CSJDM, BULACAN – Sa patuloy na pagsisikap na wakasan ang child labor sa bansa, muling pinagtibay ng pamahalaang lungsod ng San Jose Del Monte (CSJDM), kasama ang mga pribadong sektor, ang kanilang pangako sa Philippine Program Against Child Labor sa pamamagitan ng isang Pledge of Commitment na nilagdaan ngayong araw sa City Covered Court, Poblacion I, CSJDM, Bulacan.
Dumalo sa seremonya ang mga kapitan ng barangay, Barangay Training and Employment Coordinators (BTEC) ng CSJDM, Public Employment Service Office (PESO) ng CSJDM, at mga kinatawan mula sa pribadong sektor kabilang ang Blue Ace Trading, Rabboni Creative Designs, Jobnet HR Solutions, Wheeltek Motor Sales, CSJDM Eagles Club, Game Time Sportswear, at Paramount Human Resource Multipurpose Cooperative.
Sa ilalim ng kasunduan, inatasan ang bawat stakeholder na ipatupad ang mga programa kontra child labor tulad ng pagbibigay ng suportang pang-ekonomiya sa mga magulang, pagsubaybay sa bilang ng mga batang nagtatrabaho sa pamamagitan ng Barangay Council for the Protection of Children, at pagsasabatas ng mga lokal na ordinansa upang mapanatili ang mga barangay at bayan na walang child labor.
Ayon kay Alejandro Inza Cruz, Assistant Regional Director ng DOLE Regional Office No. III, mahalaga ang ganitong mga inisyatiba upang mapanatili ang ligtas at malayang pagkabata ng mga bata sa Bagong Pilipinas.
“Nandito po tayo ngayon para mas mapalawak ang impormasyon kontra child labor sa komunidad. Tayo ay naging bata rin noong panahon, kaya sana hayaan at tulong-tulong po tayo na ang bawat bata ay ligtas at malayang maging bata,” ani Inza Cruz.
Bilang bahagi ng programa, 43 batang nalantad sa child labor ang tumanggap ng pangunahing pangangailangan mula sa Project Angel Tree, kabilang ang pagkain, gamit sa eskwela, tumblers, at hygiene kits. Nagbigay rin ng libreng serbisyong medikal at dental, pagsasanay sa kasanayan, at tulong mula sa SSS, PhilHealth, HDMF/Pag-IBIG, BIR, at PESO. Samantala, namahagi ang nag-iisang distrito ng CSJDM ng bigas at pediatric medicines para sa lahat ng kalahok.
Isa sa mga benepisyaryo, si Helena mula sa Tungkong Mangga, ay nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa programa. Ayon sa kanya, malaking tulong ito sa kanilang pamilya lalo na’t kinakailangan ng kanyang anak ng suporta sa pag-aaral.
“Alam kong maraming matutulungan lalo na ang mga magulang na nangangailangan ng tulong. Tulad po ng anak ko na magkokolehiyo na, makakuha sana siya ng scholarship sa eskwela na gusto niyang pasukan, o di kaya naman ay hanapbuhay para sa aming pamilya,” ani Helena.
Sa information caravan, tinalakay ni Labor and Employment Officer II Andriel Reynoso ang Republic Act No. 9231, isang batas na naglalayong wakasan ang child labor at protektahan ang mga batang manggagawa. Samantala, ipinaliwanag ni Supervising Labor and Employment Officer Ethel Galvan ang mga programang pangkabuhayan at emergency employment ng DOLE, habang binigyang-linaw ni Labor and Employment Officer III Restituto Espino ang Republic Act No. 10361 o ang Batas Kasambahay.
Ipinahayag ni PESO Manager Perfecto Tagalog ang kanyang pasasalamat sa lahat ng katuwang na ahensya at organisasyon na nagbigay ng suporta upang maisakatuparan ang matagumpay na programa.
Ang Project Angel Tree ay isang mahalagang bahagi ng Child Labor Prevention and Elimination Program na naglalayong magbigay ng tulong sa mga pamilyang apektado ng child labor. Sa kabuuan, 43 magulang ng mga batang manggagawa, 166 kasambahay, at 84 miyembro ng mga pangkat ng kababaihan ang lumahok sa naturang information at service caravan.
Ang programang ito ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng Regional Council Against Child Labor sa Gitnang Luzon, na itinatag noong Hunyo 2024 sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at institusyon. (MJ Espena)
