PORAC, Pampanga – Pormal nang naiturn-over sa lokal na pamahalaan ng Porac ang bagong 3,500-square-meter na gusali ng munisipyo sa Barangay Cangatba matapos ang matagumpay na inagurasyon na dinaluhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Pampanga 2nd District Engineer Gregorio Audea, Jr.
Ayon kay Audea, ang bagong gusali ay pumalit sa lumang munisipyo na masikip at kulang sa parking area, kaya’t inaasahang magbibigay ito ng mas maluwag at episyenteng serbisyo sa publiko.
“Kasama sa proyekto ang site development na tampok ang isang dancing fountain na may kasamang light at sound show, na magiging bagong atraksyon para sa publiko,” dagdag pa ni Audea.
Sinimulan ang unang bahagi ng proyekto noong 2021 na may halagang P93.5 milyon, na sumaklaw sa mga pundasyon, structural framing, at mahahalagang utilities. Ang ikalawang bahagi naman na nagkakahalaga ng P69.29 milyon ay nakatuon sa interior finishes, system installations, at karagdagang tampok tulad ng partitions at security systems.
Ang ikatlong bahagi ng proyekto ay kinabibilangan ng pagtatayo ng GenSet house at Cistern Tank, waterproofing, concrete moldings, automatic fire sprinkler system, at electric elevator. Samantala, sa ikaapat na bahagi ay isinagawa ang hardscape at softscape development, pati na rin ang pagtatayo ng fountain at control room.
Ang ikalimang at ika-anim na bahagi, na sinimulan ngayong 2024, ay nakatuon sa huling yugto ng konstruksyon kabilang ang carpentry, metal structures, paglalagay ng mga muwebles sa opisina, electrical works, at iba pang mahahalagang imprastraktura.
May kabuuang pondo na P458.78 milyon, ang bagong gusali ay inaasahang makakatulong sa mas mabilis at episyenteng serbisyo ng pamahalaang lokal ng Porac, habang nagbibigay ng mas maaliwalas at madaling ma-access na pasilidad para sa mga residente at kawani ng gobyerno.
Dinaluhan ang inagurasyon nina Senador Manuel “Lito” Lapid, Chief Operating Officer ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority Mark Lapid, Bise Gobernador Lilia “Nanay” Pineda, Pansamantalang Alkalde ng Porac Myla Clarete, DPWH Pampanga 2nd DEO Construction Section Chief Aurora D. Carreon, Planning and Design Section Chief Gene D. Gonzales, Project Engineer Bryan Reyes, at iba pang opisyal mula sa DPWH at lokal na pamahalaan. (Kian Q)
