LUNGSOD NG MALOLOS –82 na indibidwal ang masuwerteng natanggap agad sa trabaho sa ginanap na 2025 Ople Day Job Fair for Local and Overseas Employment noong Pebrero 3, 2025. Ang naturang job fair ay pinangunahan ng Provincial Public Employment Service Office (PPESO) bilang bahagi ng paggunita sa Ika-98 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Gat Blas F. Ople sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center.
Ayon sa datos ng PPESO, umabot sa 721 ang bilang ng mga jobseeker na lumahok sa aktibidad, kung saan 577 ang kwalipikadong mag-apply. Sa kabila ng matinding kompetisyon, 82 aplikante ang agad na na-hire on the spot matapos mapabilib ang 25 local employers at apat na overseas recruitment agencies.
Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng final interviews at pre-employment requirements upang masigurong tuloy-tuloy ang pagpasok sa trabaho ng iba pang aplikante.
Samantala, dumalo si Dalisay Ople-San Jose bilang kinatawan ng pamilya Ople upang magbigay-inspirasyon at suporta sa mga jobseeker. Hinimok din ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga aplikante na pagbutihin ang kanilang trabaho at ipakita ang galing ng mga Bulakenyo.
“Kapag nabigyan kayo ng pagkakataon diyan, tiyaga-tiyaga lang po tayo at siyempre huwag mawawala ang panalangin at dasal, lalo doon sa mangingibang bansa, malalayo sa pamilya, mag-ingat po kayo. Dito, hindi naman kami kukuha ng mga kumpanya na gagawa ng kabulastugan dahil kami ang unang-unang kalaban niyan kapag nagkataon. Good luck sa inyong lahat, basta kayo ay makuha diyan, ingat po kayo at pagbutihin ninyo. Ipakita ninyo na ang Bulakenyo ay magagaling magtrabaho,” ani Gobernador Fernando.
Bukod sa job opportunities, nag-alok din ng libreng serbisyo gaya ng gupit at masahe para sa mga kalahok, na nagbigay ng dagdag na kasiyahan sa mga dumalo. (LATIGO REPORTORIAL TEAM)
