PROCLAMATION RALLY NG ALYANSA PARA SA BAGONG PILIPINAS SA SJDM, DINAGSA!

SAN JOSE DEL MONTE, BULACAN – Dinagsa ng mahigit 30,000 Bulakenyo ang Kadiwa Center ng City College of San Jose Del Monte para sa proclamation rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas. Ang nasabing pagtitipon ay matiyagang inantabayanan ng mga taga-suporta, lalo na ang pagdating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng mga kandidato ng alyansa.
Kasama sa programa ang pagtatanghal ng mga sikat na personalidad tulad nina Andrew E, Joseph Marco, Klarisse De Guzman, Ima Castro, Wacky Kiray, Plethora, ILT Band, at DavNor Dancers na lalong nagpasigla sa okasyon.
Sampu sa labindalawang kandidatong senador na inendorso ni PBBM ang dumalo sa nasabing Proclamation Rally katulad ni Benhur Abalos, Abby Binay, Bong Revilla, Sen. Pia Cayetano, Sen. Lito Lapid, Ping Lacson, Manny Pacquiao, Camille Villar, Sen. Francis Tolentino at Tito Sotto.
Samantala, Sen. Imee Marcos at Erwin Tulfo ay hindi pa dumarating habang ginagawa ang istorya na ito.
Bago ang rally, nagpulong ang mga senatorial candidates ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas upang iprisinta ang kanilang mga plataporma na nakatuon sa pagpapalawak ng lungsod at pagpapabuti ng mga serbisyong pampubliko. Ilan sa mga mahahalagang isyung kanilang tinalakay ay healthcare, budget allocation, imprastraktura, at pamamahala.
Binigyang-diin ni dating Senate President Tito Sotto ang kahalagahan ng programang “Doktor Para sa Bayan,” na naglalayong punan ang kakulangan ng mga doktor sa bansa, lalo na sa Central Luzon. Aniya, “Dapat ideally 40 scholars per medical school nationwide, lalo na dito sa Central Luzon. Nakita naman natin ang kakulangan noong pandemya sa bilang ng mga doktor.”
Samantala, iginiit ni dating Senador Panfilo Lacson ang pangangailangan ng reporma sa pambansang badyet. Aniya, hindi pantay ang distribusyon ng pondo mula sa national budget, kaya’t dapat itong ayusin upang mas bigyang-prayoridad ang mga karatig-lugar ng Metro Manila tulad ng San Jose del Monte.
Sa kabilang banda, ipinunto ni dating Interior Secretary Benhur Abalos ang pangangailangan ng reporma sa Local Government Code upang matugunan ang mga hamon ng urbanisasyon sa mga umuunlad na lungsod tulad ng San Jose del Monte.
Hinggil naman sa pang-ekonomiyang pag-unlad, binigyang-pansin ni Las Piñas City Representative Camille Villar ang kahalagahan ng pabahay at interkoneksyon ng mga lungsod. Aniya, ang MRT-7 ay magbibigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho at negosyo, habang ang murang pabahay ay dapat maging prayoridad para sa mga residente.
Iminungkahi naman ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang pagbabago sa Executive Order (EO) 327 upang maisama ang San Jose del Monte sa urban planning ng Metro Manila. Ayon sa kanya, dapat magkaroon ng kinatawan ang SJDM sa NCR-RDC upang masiguro ang tamang koordinasyon sa mga proyektong pang-imprastraktura. Bukod dito, binanggit din niya ang Malolos-Tutuban-Calamba rail line na lalong magpapalakas ng interregional connectivity.
Sa patuloy na pag-unlad ng San Jose del Monte at ng lalawigan ng Bulacan, tiniyak ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang kanilang suporta sa mga proyektong magpapalakas ng ekonomiya at imprastraktura ng lungsod. Sa kabila ng init ng araw, nanatili ang sigla at dedikasyon ng mga dumalo, patunay ng matibay na paniniwala sa mga adhikain ng alyansa. (Mario Batuigas)

Spread the love

RTC MALOLOS, PINABORAN ANG APELA NI JAD RACAL

LAHAT NG ONLINE GAMBLING, DAPAT SUSPINDIHIN!

One thought on “PROCLAMATION RALLY NG ALYANSA PARA SA BAGONG PILIPINAS SA SJDM, DINAGSA!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *