LAHAT NG ONLINE GAMBLING, DAPAT SUSPINDIHIN!

Sa patuloy na paglaganap ng online gambling sa Pilipinas, hindi maikakaila ang matinding pinsalang dulot nito sa lipunan, lalo na sa mga kabataan at mahihirap. Sa halip na magbigay ng benepisyo sa bansa, nagdudulot ito ng malalaking suliraning panlipunan—pagkakawatak-watak ng pamilya, pagkakalulong sa sugal, at pagkasira ng kinabukasan ng maraming Pilipino. Dahil dito, marapat lamang na tuluyang ipatigil ng gobyerno ang lahat ng uri ng online gambling sa bansa.
Ayon sa mga ulat, pati ang mga menor de edad ay nasasangkot na sa ganitong uri ng sugal, na nagiging sanhi ng matinding pagkakautang, alitan sa pamilya, at iba pang negatibong epekto. Hindi ito dapat ipagwalang-bahala ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), na may kapangyarihang pangasiwaan at regulahin ang mga ganitong gawain. Sa halip, dapat nitong tiyakin ang kapakanan ng mas nakararaming Pilipino na patuloy na nabibiktima ng mga online gambling platforms.
Maaalala kamakailan na nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa administrasyon ni Pangulong Marcos na ipatigil ang operasyon ng mga online casino.
Ibinunyag ng senadora na matapos ipagbawal ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), marami sa mga dating empleyado nito ang patuloy na nagtatrabaho sa mga bagong internet gambling firms kung saan patuloy na nakalulusot at nagbabagong-anyo lamang ang mga ito upang makapag-operate ng online gambling sa kabila ng mga naunang hakbang upang ito ay mapigilan.
Dapat nang kumilos ang pamahalaan upang protektahan ang mga mamamayan laban sa masamang dulot ng online gambling. Hindi sapat ang simpleng regulasyon—ang tanging epektibong solusyon ay ang ganap na pagsuspinde sa lahat ng online gambling operations sa bansa. Ang ating mga batas at institusyon ay dapat maging sandigan ng taumbayan, hindi ng mga negosyanteng ­patuloy na nakikinabang sa bisyo at kahinaan ng iba. Panahon na upang unahin ang kapakanan ng sambayanan ­kaysa sa kita ng iilan!
(DJ Gealone)

Spread the love

PROCLAMATION RALLY NG ALYANSA PARA SA BAGONG PILIPINAS SA SJDM, DINAGSA!

KORTE SUPREMA, PINAGPAPALIWANAG ANG KONGRESO SA IMPEACHMENT COMPLAINT LABAN KAY VP SARA DUTERTE

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *