PGB, GINUNITA ANG IKA-41 DEATH ANNIVERSARY NI GEN. ALEJO S. SANTOS

LUNGSOD NG MALOLOS – Ginunita ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang ika-41 taong anibersaryo ng pagpanaw ni Brigadier General Alejo S. Santos noong Martes, Pebrero 18. Sa kanyang talumpati, ipinaalala ni Gobernador Daniel R. Fernando sa mga Bulakenyo ang sikat na pananaw-militar ni Gen. Santos na “It can be done,” bilang simbolo ng pagkakaisa at pagtutulungan.
“Nais kong ipaalala ang tanyag na military mindset ni General Alejo Santos na ‘It can be done.’ Basta’t tayo po ay nagkakaisa at nagtutulungan, everything can be done. Everything is possible,” ani Fernando.
Dagdag pa ng gobernador, malaki ang naging inspirasyon ni Gen. Santos sa kanyang pamumuno sa lalawigan. Pinuri rin niya ang dedikasyon ng Bulacan Provincial Police Office (BPPO) sa pangunguna ni Provincial Director PCol. Satur L. Ediong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
“Kasabay ng ating paggunita, ipinapahayag din natin ang ating papuri sa maigting na pagpapanatili ng kaligtasan, kaayusan, at kapayapaan dito sa Bulacan. Ito po ay dahil sa dedikasyon sa tungkulin ng ating mga kapulisan,” ani Fernando.
Matatandaang noong Pebrero 13 ay nagpatawag ng pagdinig si Bise Gobernador Alexis C. Castro kaugnay ng ilang nakakabahalang social media posts. Sa pagdinig na ito, binigyang-diin ni Ediong ang pagsisikap ng Bulacan PPO sa pagpapababa ng antas ng krimen sa lalawigan, kabilang ang kanilang kampanya laban sa “agaw-motorsiklo,” white van kidnapping narratives, at holdapan.
Samantala, nagbigay rin ng mensahe si Liberty Santos Dumlao, anak ni Gen. Santos, na binigyang-diin ang mga ambag ng kanyang ama hindi lamang sa Bulacan kundi sa buong bansa. Dumalo rin sa seremonya si May Arlene DG. Torres, OIC Department Head ng Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office, na nagbahagi ng makasaysayang tagumpay ni Gen. Santos sa larangan ng pampublikong serbisyo.
Ipinanganak noong Hulyo 17, 1911 sa bayan ng Bustos, si Gen. Santos ay nahalal bilang kongresista ng ikalawang distrito ng Bulacan noong 1949. Nagsilbi rin siyang gobernador mula 1951 hanggang 1957 bago maitalaga bilang Chairman ng Philippine Reparation Mission sa Japan at Secretary of National Defense sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Carlos P. Garcia. Noong 1967, hinirang siya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. bilang pinuno ng prison bureau.
Ang seremonya ay isang pagpupugay sa dakilang lider ng Bulacan na nagbigay-inspirasyon sa mga susunod pang henerasyon ng mga lingkod-bayan. (LATIGO REPORTORIAL TEAM)

Spread the love

TULONG PANGKABUHAYAN, HATID NG PCUP SA VISAYAS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *