MANILA, Pilipinas — Ilang lugar sa Luzon ang nagsuspinde ng face-to-face classes nitong Huwebes, Marso 6, bunsod ng forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) hinggil sa “delikado” at “matinding pag-iingat” na heat index sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Batay sa ulat ng PAGASA noong Miyerkules ng hapon, maaaring maranasan sa San Jose, Occidental Mindoro ang pinakamataas na heat index sa petsang ito, na aabot sa 42°C.
Dagdag pa rito, 64 monitoring stations sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nag-forecast ng heat index na nasa kategoryang “extreme caution” o may sukat na 33°C hanggang 41°C.
Dahil dito, ilang lokal na pamahalaan ang nag-anunsyo ng suspensyon ng face-to-face classes sa kanilang mga nasasakupan:
Los Baños, Laguna – Lahat ng antas, pampubliko at pribado
San Jose del Monte, Bulacan – Alternative learning mode para sa kinder hanggang senior high school
Cavite City – Lahat ng antas, pampubliko at pribado
Pasay City – Lahat ng antas, pampubliko at pribado
Nagpaalala naman ang Department of Health (DOH) sa publiko na manatiling hydrated at umiwas sa labis na exposure sa init sa pagitan ng alas-10 ng umaga at alas-4 ng hapon upang maiwasan ang heat stroke at iba pang sakit na dulot ng matinding init.
Pinayuhan din ng ahensya ang mamamayan na magsuot ng maluluwag at magaang kasuotan upang mapanatili ang lamig ng katawan sa gitna ng tumitinding init ng panahon.
(Grace Batuigas)
