BUMAGAL ANG INFLATION RATE SA BANSA, MALACAÑANG IKINATUWA

Ipinahayag ng Malacañang ang kanilang kasiyahan sa pagbaba ng inflation rate ng bansa nitong Pebrero kumpara noong Enero.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Press Officer Atty. Claire Castro, ang pagbaba ng inflation rate ay patunay ng epektibong hakbang ng pamahalaan laban sa inflationary pressures.
“Magandang balita. Inulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal sa 2.1 porsyento ang inflation rate o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa nitong Pebrero mula sa 2.9 porsyento noong Enero,” pahayag ni Castro sa isang press briefing sa Malacañang nitong Miyerkules.
Dagdag pa niya, “Ito na ang pinakamababang antas na naiulat simula noong Setyembre 2024 (1.9 porsyento).”
Ipinaliwanag din ni Castro na ang mas mababang antas ng inflation ay dulot ng mas mabagal na pagtaas ng presyo ng pagkain at non-alcoholic beverages na nasa 2.6 porsyento. Ang pagbaba ng presyo ng mga ito ay nag-ugat sa mas mabagal na pagtaas ng halaga ng gulay at iba pang produkto.
Ayon sa PSA, nanatili sa 2.5 porsyento ang average inflation rate para sa taong 2025, na pasok pa rin sa itinakdang target ng pamahalaan na 2 hanggang 4 na porsyento taun-taon.
Ipinahayag ni Castro na patuloy na magsisikap ang National Economic and Development Authority (NEDA) upang mapanatili ang kontrol sa inflation rate at matugunan ang anumang maaaring pagtaas ng presyo ng iba pang pangunahing bilihin.
Batay sa ulat ng PSA, bumagal ang food ­inflation sa 2.6 porsyento mula sa 4.0 ­porsyento, habang ang non-food inflation ay bumaba rin sa 1.7 porsyento mula sa 2.2 porsyento.
Napansin din ang mas matinding pagbaba ng presyo ng bigas, na bumagsak sa -4.9 porsyento mula sa -2.3 porsyento. Mula pa noong Hulyo 2024 ay patuloy nang ­bumababa ang presyo nito dahil sa pagbaba ng international prices at pagbawas sa taripa.
Samantala, bumaba ang vegetable inflation sa 7.1 porsyento mula sa 21.1 porsyento noong nakaraang buwan, na siyang bumalanse sa pagtaas ng meat inflation sa 8.8 porsyento mula sa 6.4 porsyento.
Patuloy na minomonitor ng pamahalaan ang galaw ng presyo ng mga bilihin upang matiyak na hindi maaapektuhan ang mga mamamayan sa posibleng pagtaas ng presyo sa mga susunod na buwan. (Nik Bendana)

Spread the love

ILANG LUGAR SA LUZON, SINUSPINDE ANG KLASE DAHIL SA MATINDING INIT

Ex-Pres. Duterte inaresto dahil sa ‘Drug War Crimes’

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *