Ang Bulacan-based media man na si Orlan Mauricio, sa kanyang ihinaing reklamo kamakailan lamang sa Office of the Ombudsman, ay nag-akusa ng diumano’y iligal na pagpapatupad ng lalawigan sa Kautusan Blg 101-2023 “Isang Kautusang pinagtitibay ang pagbabago ng Schedule of Fair Market Values para sa Pangkalahatang Pagbabago ng Pagtataya sa mga ari-ariang di natitinag (General Revision of Real Property Assesment) sa Lalawigan ng Bulacan sa Taong 2023 na ipatutupad sa taong 2024.” (pinagtibay ng Kapasyahan Blg. 538A-T2023). Nais kong linawin na wala pa tayong natatanggap na kopya ng “diumanong reklamo” at ang aking magiging pahayag ngayong hapon ay tugon lamang sa kanyang mga inilahad sa idinaos niyang press conference kamakailan.
Ang kanyang mga akusasyon sa ihinaing reklamo laban sa inyong lingkod, gayundin kay Vice Governor Alex Castro at ilan pa naming kasamahan ay walang basehan, walang katotohanan, at walang pakundangang paninira sa ngalan ng kanyang pansariling interes.
Ang isinaad na mga kadahilanan ni Mauricio kung bakit hindi valid ang pagpapatupad ng ordinansa ay hindi umano ito nagdaan sa tamang proseso ng publication. Diumano ay fly-by-night ang pinaglathalaang pahayagan ng ordinansa kaya’t umaapela daw siya sa ombudsman na ipatigil ang pagpapatupad ng nasabing ordinansa.
Heto na naman po si Orlan Mauricio sa kanyang maruming mga pakulo at pahayag na walang basehan. Madalas niya akong sabihang “tanga” pero malinaw po na siya ang may kamangmangan hindi lamang sa pagiging mabuting mamahayag kundi kamangmangan sa batas. Ang aking pahayag na ito ay isang paglilinaw sa publiko upang maprotektahan ang ating mga mamamayan mula sa mga baluktot na salaysay ni Orlan Mauricio.
Una sa lahat, ang pangkalahatang rebisyon ng real property assessments ay ipinag-uutos ng Local Government Code na obligadong isagawa kada tatlong taon. Bagama’t maaari itong magkaroon ng pagbabago sa mga halaga ng ari-arian, ang pangkalahatang rebisyon ay hindi isang ordinansa sa pagtataas ng buwis. Ang general revision ay mandato ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipinatutupad kada tatlong taon sa lahat ng LGU sa buong bansa.
Gayundin, para maunawaan ni Orlan Mauricio, ang ordinansang ito ay mananatiling may bisa malibang ideklara ng mga korte ang kabaligtaran sa malinaw na malinaw na mga termino. Ang mga mapanirang pahayag ni Mauricio ay hindi magbibigay ng karapatan sa kanya o sa sinumang iba pa na pigilan ang pagpapatupad ng batas.
Hindi ko na iisa-isahin pa ang patuloy na pagyurak ni Mauricio sa aking pagkatao gaya ng mga naging pahayag niya sa kanyang press conference kamakailan lamang. Hindi na ito bago at paulit-ulit niyang ginagawa. Bahala na po sa kanya ang Panginoon, at hayaan na lamang natin ang korte na siyang maghusga sa isinama kong cyberlibel case laban sa kanyang mga tiwali at abusadong gawain.
Ang tanong ngayon ay ito? Ano ang motibasyon ni Mauricio sa paninira sa inyong abang lingkod?
Ang nagpapatuloy na mga aksyon ni Mauricio ay talagang nakalulungkot sapagkat ang tanging basehan nito ay personal na motibasyon sa kanyang tila habambuhay na pagkahumaling na gamitin ang kanyang panulat sa pagbibigkas ng mga mapanirang-puri at abusadong mga pahayag laban sa akin sa hindi lubos na maunawaang kadahilanan.
Sa nakalipas na maraming taon habang dumaranas ng mga personal na atakeng ito mula sa kanya, pinili kong ibaling na lamang ang aking kabilang pisngi, sapagkat naisip ko na ang kanyang mga paratang ay wala namang katuturan at katotohanan upang bigyan ko pa ng marangal na pagtugon.
Gayunpaman, noong 2023, napag-isip-isip ko na tila lumagpas na sa hangganan si Mauricio na humantong sa aking nabuong pagpapasya na magsampa ng cyberlibel case laban sa kanya sa Regional Trial Court dahilan sa mga malisyosong mga pahayag niya sa publiko na naglalayong makapinsala sa aking mabuting pangalan, gayundin ng aking pamilya, sa aking reputasyon, at bokasyon bilang isang lingkod bayan.
Matapos linawin ang aking mga punto sa ating mga kalalawigan, binibigyang diin ko na pawang kasinungalingan, walang batayan at katawa-tawa ang mga pahayag ng ni Orlan Mauricio. Ito ay gawa-gawa lamang niya bilang panabla dahil baka dinadaga na ang dibdib niya sa kahihinatnan ng matibay na kasong cyberlibel na aking nai-file sa RTC.
Nananawagan po ako sa ating mga kalalawigan na manatiling matatag at mapanuri lalo na sa panahong ito ng halalan. Makakaasa po kayo na ang ating administrasyon ay patuloy na magtataguyod ng Saligang Batas, at susunod sa mga prinsipyo at alituntunin ng iba pang mga batas at kautusan upang pangalagaan ang kagalingang panlipunan at prorektahan ang mga karapatan ng bawat Bulakenyo.
Ako po ay kumpiyansa na hindi bibigyang halaga ng mga Bulakenyo ang balu-baluktot na kwento ni Orlan Mauricio. Sa kabuuan, isa na naman itong fabricated content at twisted narrative gaya ng kanyang nakaugalian upang pagsilbihan ang kanyang makasariling interes, at ng kung sino pa man ang nasa likod ng kanyang walang pakundangang pamumulitika.
Maraming salamat sa inyong paglalaan ng inyong mahalagang panahon. Mabuhay ang dakilang Lalawigan ng Bulacan!