MALOLOS, BULACAN – Sampung Persons Deprived of Liberty (PDL) ang matagumpay na sumailalim sa unang araw ng Wellness Massage (Hilot) NC II training noong Marso 3. Ang nasabing programa ay bahagi ng adhikain ni Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad na tiyakin ang pantay na oportunidad at akses sa mga programang pangkabuhayan.
Ang pagsasanay na ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng inisyatibo at pakikipagtulungan ng City Training, Employment and Cooperative Office at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP-Malolos). Layunin nitong bigyan ng kaalaman ang mga PDL na kasalukuyang nasa piitan at naghihintay ng paglilitis sa korte upang magkaroon sila ng kakayahang magtayo ng sariling negosyo sa larangan ng Wellness Massage.
Ang pagsasanay ay tatagal ng sampung araw at inaasahang magbibigay ng makabuluhang kasanayan sa mga kalahok. Dumalo sa pagbubukas ng programa sina JCINSP Edwin G. Bulatao (City Jail Warden), JINSP Ronald L. Cabural (Assistant City Jail Warden), Sir Eduardo R. Brigino II (Chief Development Unit/Liaison Officer, BJMP Malolos), PESO Malolos Manager Marrianne DC. Mendoza, Training Division Focal Person Cherry D. Mendoza, at TESDA-accredited trainer na si Mary Ann S. Navarra, LMT, LPT.
Ang programang ito ay isang mahalagang hakbang upang bigyan ng bagong pag-asa ang mga PDL at matulungan silang magkaroon ng produktibong buhay pagkatapos ng kanilang pananatili sa piitan. (Latigo Reportorial Team)