Camp BGen Pantaleon Garcia, Lungsod ng Imus, Cavite—Matagumpay na isinagawa ng Provincial Intelligence Unit ang isang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang High Value Individuals (HVI) na sangkot sa ilegal na droga sa Barangay Salawag, Lungsod ng Dasmariñas, Cavite.
Noong Pebrero 21, 2025, bandang 10:40 ng gabi, nagsanib-pwersa ang mga tauhan ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Dasmariñas Component City Police Station (CCPS) upang isagawa ang isang pinagsanib na operasyon laban sa droga sa Brgy. H-2, Lungsod ng Dasmariñas, Cavite.
Kinilala ni PLTCOL Chester Noel Borlongan, Hepe ng Provincial Intelligence Unit, ang mga naarestong suspek bilang si alias DAY, isang babae, at alias IKO, isang lalaki, na kapwa residente ng Barangay Salawag, Dasmariñas City, Cavite. Ang dalawang suspek ay nakalista bilang High Value Individuals (HVI).
Ayon sa ulat, nasamsam sa operasyon ang anim (6) na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 50 gramo at may standard drug price value na Php340,000.00, kasama ang iba pang drug paraphernalia.
Ipinaalam sa mga naarestong indibidwal ang mga kasong isasampa laban sa kanila alinsunod sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Gayundin, ipinaalam sa kanila ang kanilang mga karapatan alinsunod sa Republic Act No. 7438 at Anti-Torture Act of 2009. Gumamit ng Alternative Recording Device (ARD) sa operasyon upang matiyak ang transparency at maayos na dokumentasyon.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Dasmariñas Component City Police Station ang mga suspek para sa kaukulang proseso at dokumentasyon bago ang pagsasampa ng nararapat na kaso laban sa kanila. (Latigo Reportorial Team)
