31 UPO`S SA QC, GINAWARAN NG ACCREDITATION NG PCUP

QUEZON CITY— Isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapatibay ng sektor ng maralitang tagalungsod ang naisakatuparan noong Marso 18, 2025, matapos igawad ng Presidential Commission for the Urban Poor – Field Operations Division NCR (PCUP FOD-NCR) ang Certificates of Accreditation sa 31 Urban Poor Organizations (UPOs) mula sa iba’t ibang lungsod sa National Capital Region.
Pinangunahan ni Mr. Glenmart Constantino ang programa bilang host, habang nagbigay naman ng mainit na pagbati si PCUP Chairman at CEO Meynardo A. Sabili sa mga kinatawan ng UPOs. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng accreditation bilang isang hakbang upang palakasin ang boses ng urban poor sa paghubog ng mga programang may kinalaman sa kanilang sektor. Hinikayat din niya ang mga UPOs na maging aktibong katuwang ng pamahalaan sa pagsusulong ng kanilang mga karapatan at adhikain.
Sa nasabing programa, ibinahagi rin ni Chairman Sabili ang mga benepisyo ng PhilHealth Konsulta Program, kung saan ipinaliwanag niya ang proseso ng pagpaparehistro at ang mga serbisyong maaaring matanggap ng mga benepisyaryo, partikular na ang mga nasa hanay ng maralitang tagalungsod.
Pinangunahan ni PCUP NCR Chief of Operations, Dir. Olympia DC. Micor, ang awarding ceremony, kasama ang mga NCR Area Coordinators. Nagbigay rin ng mensahe ng suporta si Commissioner Atty. Emmanuel Espejo Gison Jr., na binigyang-diin ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng UPOs sa mga programa ng PCUP upang mapalakas ang kanilang posisyon sa lipunan.
Samantala, nagpaabot din ng pasasalamat si Housing Community Development and Resettlement Department OIC, Atty. Jojo Conejero, sa PCUP dahil sa pagpapatibay ng ugnayan sa pagitan ng gobyerno at ng urban poor sector.
Nagbigay-inspirasyon naman ang presidente ng LAON HOA’s Federation mula sa Valenzuela, na nagbahagi ng kanilang matagumpay na karanasan bilang isang PCUP-accredited UPO at kung paano ito nakatulong sa kanilang komunidad.
Patuloy na isinusulong ng PCUP ang pagpapalakas ng mga UPOs sa pamamagitan ng accreditation upang matiyak ang kanilang legal na pagkakakilanlan at bigyan sila ng mas malawak na access sa mga programa at benepisyong hatid ng pamahalaan.
Ang accreditation ay isang malaking hakbang tungo sa mas inklusibo at maunlad na hinaharap para sa sektor ng maralitang tagalungsod.
Maligayang pagbati sa lahat ng bagong PCUP-accredited UPOs! (Latigo Reportorial Team)

Spread the love

31 UPO`S SA QC, GINAWARAN NG ACCREDITATION NG PCUP

LATIGO March 24-30, 2025 Issue

One thought on “31 UPO`S SA QC, GINAWARAN NG ACCREDITATION NG PCUP

Comments are closed.