97 DAYUHAN, ARESTADO NG CIDG SA ISANG RAID KONTRA POGO

MAKATI CITY, Marso 20, 2025 – Matagumpay na nadakip ang 131 katao, kabilang ang 96 na dayuhan, sa isang operasyon laban sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Makati City noong Marso 19.
Pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa ilalim ng masigasig na pamumuno ni PMGEN Nicolas D Torre III, katuwang ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at iba pang ahensya, ang pagsalakay sa Flying Future Services, Inc., na matatagpuan sa ika-21 palapag ng Yuchengco Tower 1, RCBC Plaza. Ang operasyon ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatigil ang lahat ng POGO at Internet Gaming Licensees (IGLs) sa bansa.
Mabilis ang naging aksyon ng CIDG matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang banyaga na tumukoy sa ilegal na online gaming operations sa loob ng opisina ng Flying Future Services. Matapos beripikahin ang impormasyon, agad na nagsagawa ng raid ang mga operatiba at natuklasan ang ilegal na online casino. Sa masusing operasyon ng mga awtoridad, nasamsam ang iba’t ibang electronic devices at dokumento na ginagamit umano sa ilegal na POGO operations. Sa mga dayuhang naaresto, 58 ay Chinese, 13 ay Malaysians, 12 ay Taiwanese, 8 ay Japanese, 2 ay Vietnamese, 1 ay Mongolian, 1 ay mula sa St. Kitts & Nevis, at 1 ay Brazilian.
Tatlong indibidwal din ang itinuturong lider ng sub-companies ng Flying Future Services, Inc., isang kumpanyang rehistrado bilang software development firm ngunit ginagamit umano bilang front sa ilegal na POGO operations. Dahil sa mahusay na koordinasyon ng CIDG at iba pang law enforcement agencies, matagumpay na nalansag ang naturang sindikato.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act, PD 1602 o Illegal Gambling, at RA 10175 o Cybercrime Prevention Act. Pansamantalang nakakulong ang mga ito sa CIDG Southern District Field Unit, habang ang ibang dayuhan ay nasa kustodiya ng PAOCC para sa dokumentasyon at iba pang legal na proseso.
Ayon kay PMGEN Nicolas D Torre III, ang mabilis at epektibong operasyon na ito ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa mga sindikatong sangkot sa ilegal na POGO operations. Ipinakita ng CIDG sa pangunguna ni Torre ang kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa bansa. Hinimok din niya ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lipunan.

Spread the love

BULACAN PINARANGALAN NG GAWAD BAYANIHAN SA PAMUMUHUNAN

MARCOLETA, UMAKYAT SA SURVEY NG MBC-DZRH SA REGION X

One thought on “97 DAYUHAN, ARESTADO NG CIDG SA ISANG RAID KONTRA POGO

Comments are closed.