BULACAN PPO, MATAGUMPAY NA NAGSAGAWA NG OPERASYON KONTRA KRIMINALIDAD

14 na Indibidwal, Arestado!

Sta. Maria, Bulacan – Matagumpay na naisagawa ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) ang serye ng operasyon laban sa kriminalidad noong Pebrero 24, 2025, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 14 na indibidwal, kabilang ang 12 hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, ang Top 1 Most Wanted Person (MWP) sa antas munisipyo, at isang suspek sa carnapping.
Ayon sa ulat na isinumite kay PCOL Satur L. Ediong, Provincial Director ng Bulacan PPO, nagsagawa ng magkakahiwalay na buy-bust operation ang Station Drug Enforcement Unit ng Meycauayan City Police Station (CPS), Sta. Maria, Bocaue, Calumpit, at Paombong Municipal Police Station (MPS). Dahil dito, naaresto ang 12 drug suspects at nakumpiska ang 27 heat-sealed plastic sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang Php 256,330.00, kasama ang buy-bust money.
Dinala ang mga naarestong suspek at ang nakumpiskang ebidensya sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa masusing pagsusuri. Kasalukuyan namang inihahanda ang mga kasong kriminal para sa pagsampa sa korte alinsunod sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, matagumpay ring naaresto sa Obando, Bulacan ang Top 1 MWP sa antas munisipyo sa isinagawang manhunt operation ng tracker team ng Obando MPS. Ang suspek ay may kasong Frustrated Murder na inisyu ni Hon. Elenita N.E. Macatangay-Alviar, Presiding Judge ng RTC, Third Judicial Region, Branch 121, Meycauayan City, Bulacan. Ang nasabing akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad at may itinakdang piyansa na Php 200,000.00.
Sa isa pang insidente, isang CICL (Child in Conflict with the Law) ang nahuli ng Baliwag CPS matapos ang mabilis na pagtugon sa isang kaso ng robbery at carnapping sa Brgy. Catulinan, Lungsod ng Baliwag. Nangyari ang insidente noong Pebrero 23, 2025, bandang alas-2:30 ng madaling araw, kung saan tatlong hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang Yamaha NMAX ang nangholdap sa biktima at tinangay ang kanyang motorsiklo na may plakang 103ROD, pati na rin ang kanyang personal na gamit.
Dahil sa mabilis na aksyon ng biktima, sa tulong ng kanyang kapatid at mga kaibigan, nagamit nila ang “FindMyPhone” application upang matunton ang kinaroroonan ng kanyang ninakaw na gamit. Agad siyang humingi ng tulong sa pulisya, na nagresulta sa agarang pagresponde ng Baliwag CPS. Bandang alas-5:40 ng hapon, natunton ng mga operatiba ang lokasyon ng suspek sa isang cellphone repair shop sa Brgy. Sta. Cruz I, Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan, kung saan ito nahuli habang sinusubukang i-unlock ang ninakaw na iPhone.
Pinatunayan ng mga pinakahuling operasyon ng Bulacan PPO, sa pamumuno ni PCOL Satur L. Ediong, ang kanilang patuloy na pagsisikap sa pagsugpo ng kriminalidad sa lalawigan. Ang matagumpay na pagkakaaresto ng mga drug suspects, most wanted persons, at iba pang kriminal ay nagpapakita ng kanilang dedikasyon sa pagpapalakas ng kampanya laban sa krimen para sa mas ligtas na komunidad.
(Andy Espeña)

Spread the love

PRESYO NG BIGAS, IMOMONITOR DAW NG DTI

HALALAN SA BARMM, IPAGPAPALIBAN!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *