Pinuri ni Senate President Francis Escudero ang pagpirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Republic Act (RA) 12124 o ang Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) Act, isang batas na magpapalawak ng oportunidad sa mas mataas na edukasyon, lalo na para sa mga propesyonal na nagtatrabaho.
Ayon kay Escudero, mahalaga ang bagong batas sa pagkilala ng dating kaalaman at karanasan sa trabaho upang matulungan ang mga Pilipino na makamit ang kanilang akademikong pangarap nang hindi isinasakripisyo ang kanilang hanapbuhay o personal na responsibilidad.
“Ang batas na ito ay tumutugon sa pangangailangan ng mas flexible at inklusibong sistema ng edukasyon. Sa pamamagitan ng pagkilala sa halaga ng prior learning, binibigyan natin ng pagkakataon ang mga indibidwal na makakuha ng akademikong kredensyal batay sa kanilang kasanayan at karanasan,” ani Escudero sa isang pahayag.
Bilang dating tagapangulo ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, ipinagmamalaki ni Escudero ang kanyang papel sa pagsusulong ng panukalang ito hanggang sa ganap itong maisabatas.
Itinalaga rin ang Commission on Higher Education (CHED) bilang pangunahing ahensiyang mamamahala sa pagtukoy, pag-validate, at pagbibigay ng akreditasyon sa mga natutunang kaalaman at kasanayan sa trabaho. Pinuri rin ni Escudero ang papel ng CHED sa pagpapanatili ng mataas na pamantayan sa edukasyon habang ipinapatupad ang programa.
Ayon sa batas, maaaring mag-apply ang mga Pilipino sa loob at labas ng bansa para sa equivalency at accreditation basta’t natutugunan nila ang mga kinakailangang kwalipikasyon. Kabilang dito ang pagiging hindi bababa sa 23 taong gulang sa oras ng aplikasyon at pagkakaroon ng natapos na sekondaryang edukasyon, na maaaring patunayan sa pamamagitan ng diploma sa high school o mga sertipikasyon tulad ng Philippine Educational Placement Test at Alternative Learning System Accreditation and Equivalency Assessment.
Umaasa si Escudero na ang batas na ito ay magpapalakas pa ng mas inklusibo at praktikal na mga polisiya sa edukasyon, na hindi lamang magpapatibay sa kakayahan ng mga Pilipino kundi magpapalakas din sa pandaigdigang kompetisyon ng bansa. (Mario Batuigas)
