MALOLOS, BULACAN – Muling pinatunayan ng Lungsod ng Malolos ang kahusayan nito sa larangan ng turismo matapos kilalanin ang Fiesta ng Republika bilang 2nd Runner-Up sa Most Outstanding Festival sa kategoryang City/Municipality sa buong Rehiyon 3. Ang prestihiyosong parangal ay iginawad sa Department of Tourism (DOT) Central Luzon Tourism Recognition for Enterprises and Stakeholders (TRES) Awards 2024 na ginanap sa Clark Freeport Zone, Pampanga.
Ang TRES Awards ay isang natatanging programa ng DOT-Central Luzon na nagbibigay-pugay sa mga indibidwal, establisyemento, organisasyon, at mga lokal na pamahalaan na nagpakita ng kahusayan sa pagpapaunlad ng turismo sa rehiyon. Sa pamamagitan ng aktibong promosyon at pagsulong ng natatanging produkto at destinasyon sa Malolos, kinilala ang Fiesta ng Republika bilang isa sa mga pinakamahuhusay na pagdiriwang na nagpapakita ng mayamang kasaysayan at kulturang Pilipino.
Sa ilalim ng mahusay na pamumuno ni Mayor Christian Natividad, patuloy na namamayagpag ang Lungsod ng Malolos sa larangan ng turismo at kultura. Ang kanyang dedikasyon sa pagsusulong ng lokal na kasaysayan at pagpapakilala ng Fiesta ng Republika bilang isang natatanging festival ay nagbigay-daan sa pagkilalang ito.
Ang Fiesta ng Republika ay ginaganap tuwing Enero upang gunitain ang makasaysayang proklamasyon ng Unang Republika ng Pilipinas noong 1899 sa Barasoain Church. Ito ay isang makabuluhang pagdiriwang na naglalayong itampok ang diwa ng kalayaan at pambansang pagkakaisa.
Dahil sa parangal na ito, lalong pinagtibay ng Lungsod ng Malolos ang posisyon nito bilang isa sa mga nangungunang destinasyon ng turismo sa Central Luzon. Patuloy na magsisikap ang pamahalaang lungsod upang higit pang pagyamanin at ipagmalaki ang kasaysayan at kultura ng Malolos para sa mga susunod na henerasyon. (LATIGO REPORTORIAL TEAM)

One thought on “FIESTA NG REPUBLIKA NG MALOLOS, 2ND RUNNER-UP MOST OUTSTANDING FESTIVAL SA REHIYON 3”