IWAS-IWASAN ANG DRAMA SA KAMPANYA, LINGKOD BAYAN KAYO HINDI ARTISTA!

Habang papalapit ang eleksyon, muling nasasaksihan ng sambayanan ang mga makukulay, pero minsan ay nakakaumay na eksena sa kampanya—mga iyakan, pasabog, hugot lines, at mga dramatikong pahayag na tila ba isang teleserye ang halalan. Sa halip na malinaw na plataporma at konkretong plano, ang nailalatag sa entablado ay emosyon, drama, at minsan ay paninira sa kapwa kandidato.
Panahon na upang paalalahanan ang ating mga tumatakbong opisyal: Lingkod bayan kayo, hindi artista. Ang pulitika ay hindi entablado ng drama kundi serbisyong totoo para sa taumbayan. Hindi kailangang magpaka-bida, umiyak sa entablado, o gumawa ng eksenang kahalintulad ng isang pelikula para makuha ang boto ng masa. Ang kailangan ng bayan ay matitinong lider na may konkretong solusyon sa problema, hindi tagapuno ng oras sa primetime.
Ang kampanya ay dapat pagtuunan ng mga usaping may saysay—edukasyon, trabaho, kalusugan, kapayapaan, at kaayusan. Ang mga kandidato ay inaasahang maglatag ng kanilang plataporma at ipakita ang kakayahang mamuno, hindi ang galing sa pag-arte. Hindi rin kailangang gumamit ng paninira at personalan upang makalamang; ang tunay na lider ay nagpapakita ng respeto, hindi lang sa kapwa kandidato kundi higit sa lahat sa taumbayan.
Sana’y matutong mag-isip ang mga botante at huwag magpadala sa emosyon. Hindi dapat boto ang kapalit ng luha. Huwag hayaang maulit ang mga nakaraang pagkakamali kung saan napaniwala tayo ng matatamis na salita at artistahing gimik, pero pagkatapos ng eleksyon ay nawawala sa eksena ang ating mga ibinoto.
Ang halalan ay hindi palabas, at ang bayan ay hindi audience ng isang palabas. Ito ay isang sagradong tungkulin—para sa mga kandidato, ito ay paninindigan na magsilbi nang tapat; para sa mga botante, ito ay karapatang pumili ng tunay na karapat-dapat.
Kaya sa darating na halalan, iwas-iwasan ang drama. Ang kailangan natin ay mga lingkod bayan, hindi artista. Ang serbisyo publiko ay hindi dapat ginagawang aliwan kundi siniseryosong tungkulin na may puso, sipag, at integridad. (Nik Bendaña)

Spread the love

PABAHAY PARA SA LAHAT

PATAY SA 18 KASO NG PAGKALUNOD AYON SA PNP