Rehistrado dapat bago maglabas ng survey results! – COMELEC
BULACAN – Sa nalalapit na midterm elections ngayong Mayo 2025, muling lumulutang ang mga pekeng survey na ginagamit upang linlangin ang publiko at manipulahin ang pananaw ng mga botante. Bilang tugon, mahigpit na ipinatutupad ng Commission on Elections (COMELEC) ang bagong patakaran na nag-aatas sa lahat ng survey firms, indibidwal, o organisasyong magsasagawa ng election survey na magparehistro bago maglabas ng anumang resulta.
Ayon sa COMELEC Resolution No. 11117, tanging ang mga pre-registered na grupo o indibidwal lamang ang pinapayagang maglathala ng election survey. Ang mga kumpanyang nagsasagawa na ng survey bago ipinalabas ang resolusyon ay binibigyan ng 15 araw upang makapagsumite ng kanilang rehistrasyon. Sa ganitong paraan, masisiguro ang transparency at integridad ng mga datos na inilalabas sa publiko.
Samantala, ibinunyag ng Philippine Research and Marketing Association Inc. (PRAMA) na dumarami ang mga nagpapanggap na lehitimong survey firms upang linlangin ang mga kandidato at botante. Isa sa mga grupong muling lumitaw ay ang Social Pulse Philippines, na dati nang napasara ngunit muling nagbukas kamakailan. Natuklasan na wala itong rehistradong negosyo at ang kanilang social media page ay bagong likha lamang noong Enero 2025—isang malinaw na indikasyon ng kaduda-dudang operasyon. May kaugnayan din umano ito sa isa pang pekeng survey firm na Hyphothesis Philippines na gumamit ng parehong modus operandi sa Cavite City.
Dahil dito, nananawagan ang PRAMA sa COMELEC, sa pangunguna ni Chairman George Garcia, at sa mga awtoridad na agad na aksyunan ang ganitong uri ng panlilinlang. Ang pagpapakalat ng hindi beripikadong survey ay isang seryosong banta sa demokrasya, lalo na sa panahon ng eleksyon kung saan mataas ang tensyon sa pulitika. Ang ganitong mga mapanlinlang na gawain ay hindi lamang nagpapalabo sa tunay na boses ng bayan kundi maaari ring humantong sa maling pagpapasya ng mga botante.
Sa panahon ngayong madali nang ipakalat ang pekeng survey sa pamamagitan ng social media. Mahalaga para sa publiko na maging mapanuri at tiyakin na ang kanilang nakukuhang datos ay mula sa mga rehistrado at lehitimong institusyon. Ang tamang impormasyon ay isang mahalagang sandata laban sa disimpormasyon at panloloko.
Dapat maging masigasig ang COMELEC sa pagpapatupad ng kanilang regulasyon upang maprotektahan ang integridad ng halalan. Sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagbabantay at mabilis na aksyon laban sa mga pekeng survey firms, masisiguro nating ang boses ng bayan ay tunay na maririnig at hindi maaapektuhan ng manipulasyon. Ang laban kontra pekeng survey ay laban para sa malinis, patas, at tapat na eleksyon.
(DJ Gealone)