SANTA MARIA, BULACAN – Ipinahayag ni Jad Racal ang kanyang pagkadismaya matapos umanong harangin ang kanilang house-to-house distribution ng bigas sa distrito sais. Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Racal na nakatanggap sila ng ulat na may mga sumusuporta sa kanila ang tinatakot—na maaaring mawalan ng scholarship at iba pang benepisyo mula sa gobyerno kung tatanggap ng tulong mula sa kanila.
“Nakakalungkot ang mensahe ang nakarating saatin na tinatakot na ang mga sumusuporta na kapag napag alaman na sila ay nabigyan ng bigas ay tatanggalin ang scholar ng anak nila at lahat ng benepisyo na galing sa gobyerno,” ani Racal.
Sa kabila ng umano’y panggigipit, nangako siyang mas magiging agresibo sila sa pagbibigay ng tulong sa kanilang mga kababayan. Dagdag pa niya, kung magpapatuloy ang harassment, itutuloy na lamang nila ang pamamahagi matapos ang halalan, anuman ang maging resulta nito.
Ayon kay Racal, nasa 20,000 bahay sa bayan ng Santa Maria ang target nilang maabot sa kanilang house-to-house initiative. “Meron po tayong palabra de honor… kahit anong mangyari ay tutupad po ako sa pangako,” giit niya.
Samantala, wala pang pahayag mula sa sinasabing grupo o indibidwal na umano’y pumipigil sa kanilang pamamahagi.
Patuloy na umaasa si Racal na mananaig ang respeto sa demokrasya at ang kalayaang makatanggap ng tulong ang mamamayan nang walang takot o panggigipit.
(Latigo Reportorial Team)

One thought on “PAMAMAHAGI NG BIGAS NI JAD RACAL, PINIPIGILAN”
Comments are closed.