PGB, MAS PINALAKAS ANG KAMPANYA NGAYONG FIRE PREVENTION MONTH!

BULACAN – Lungsod ng Malolos – Mas pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan (PGB) sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ang kampanya para sa Fire Prevention Month ngayong Marso 2025. Sa temang “Sa pag-iwas sa sunog, hindi ka nag-iisa!” opisyal na sinimulan ang selebrasyon noong Marso 3, 2025, sa pamamagitan ng isang flag ceremony na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium.
Layunin ng mga inihandang aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga Bulakenyo sa tamang pag-iwas at pagtugon sa mga insidenteng may kaugnayan sa sunog. Ilan sa mga pangunahing aktibidad na itinakda ay ang Fire Fighting at HAZMAT Training para sa mga tauhan ng PDRRMO mula Marso 5 hanggang 7, Fire at Earthquake Orientation Drill sa BMC Annex sa Marso 7, at Basic Life Support (BLS) Training para sa Association of Bulacan Dentists (KADEBU) sa Marso 10.
Samantala, nakatakda rin ang unang quarter meeting ng PGB Marshals sa Marso 11, kasunod ang Basic Incident Command System (BICS) Training para sa mga tauhan at konseho ng PDRRMO mula Marso 12 hanggang 14. Magkakaroon din ng Earthquake Orientation Drill sa Sta. Cruz Multispecialty Hospital sa Marso 18 at isang HAZMAT Orientation para sa mga stakeholder ng PDRRMO mula Marso 20 hanggang 21, na susundan ng isang HAZMAT Drill sa Marso 25.
Sa ginanap na opening ceremony, nagbigay ng inspirasyonal na mensahe si Bulacan Provincial Fire Marshal FSSupt. Ernesto S. Pagdanganan kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagiging handa sa pag-iwas sa sunog. Inilahad din niya ang ulat hinggil sa mga aktibidad at inisyatiba ng Bureau of Fire Protection-Bulacan sa nagdaang taon, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng ahensya sa pagpapalakas ng fire prevention at emergency response sa buong lalawigan.
Kasabay nito, nagkaroon din ng motorcade sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad ng Bulacan upang mapalawak ang kaalaman ng publiko hinggil sa Fire Prevention Month at ipaalala ang mga mahahalagang hakbang sa pag-iwas sa sunog.
Ang pagdiriwang ng Fire Prevention Month ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 115-A na ipinalabas ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos at Proclamation No. 360 ng taong 1986, na parehong naglalayong paigtingin ang kamalayan at adbokasiya sa kahalagahan ng fire safety sa buong bansa. (Latigo Reportorial Team)

Spread the love

PCUP, NAKIISA SA KICK-OFF NG NATIONAL WOMEN`S MONTH SA PASAY

10 PDL SUMAILALIM SA LIVELIHOOD SKILL TRAINING SA MALOLOS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *