LUNGSOD NG QUEZON — Isang makabuluhang proyekto para sa mga Persons with Disabilities (PWDs) ang matagumpay na isinagawa ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at LN-4 Foundation sa pamamagitan ng “Give Hope, Give A Hand Project” noong Pebrero 22, 2025. Layunin ng programang ito na magbigay ng bagong pag-asa at oportunidad sa mga piling benepisyaryo sa pamamagitan ng libreng prosthetic hands.
Pinangunahan ng PCUP Participatory Governance Unit (PGU) Focal Person for PWDs na si Mr. Jesse Wilvic Jacildo at ni Mr. Anthony John Untalan mula sa LN-4 Foundation ang seremonya ng pamamahagi sa 13 benepisyaryo mula sa mga lalawigan ng Rizal, Tarlac, at Bulacan. Ang prosthetic hands ay ipinagkaloob upang matulungan ang mga benepisyaryo sa kanilang pang-araw-araw na buhay at upang bigyan sila ng mas maraming oportunidad sa larangan ng hanapbuhay at personal na kakayahan.
Sa kanyang talumpati, ipinaliwanag ni Mr. Untalan ang proseso ng paggamit ng prosthetic hands at nagbigay ng inspirasyonal na mga halimbawa ng mga dating benepisyaryo na nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanilang pamumuhay matapos matanggap ang nasabing tulong. Kanya ring ipinakita ang tamang paraan ng paggamit ng mga prosthetic hands upang matiyak na magamit ito nang epektibo ng mga PWDs.
Dumalo rin sa naturang aktibidad ang mga opisyal mula sa PCUP Office of the Chairperson na sina Ms. Amihan Adriano at Ms. Sally Manlapas, pati na rin ang mga kinatawan mula sa PCUP Special Concerns Unit (SCU). Nagpahayag rin ng suporta ang mga representante mula sa Urban Poor Organizations (UPO), barangay, at mga lokal na pamahalaan ng Bulacan, Tarlac, at Rizal.
Lubos ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa PCUP at LN-4 Foundation sa kanilang patuloy na suporta sa sektor ng PWDs. Ayon kay PCUP Chairman Meynardo A. Sabili, ang ganitong mga programa ay may malaking epekto sa buhay ng mga taong may kapansanan.
“Alam nyo, ang mga ganitong programa, bagaman maliit na bagay sa iilan, ngunit sa puso ng ating mga kapatid na may kapansanan sa kamay, ito ay isang malaking tulong upang makakilos ng maayos,” ani Chairman Sabili.
Ang LN-4 Foundation ay isang non-governmental organization na may layuning tumulong sa mga PWDs sa pamamagitan ng pagbibigay ng prosthetic devices at iba pang kagamitan na makakatulong sa pagpapabuti ng kanilang kalidad ng pamumuhay. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga organisasyong tulad ng PCUP, patuloy silang nagbibigay ng pag-asa at oportunidad sa mga nangangailangan. (LATIGO REPORTORIAL TEAM)
BULACAN KINILALA SA TRES AWARDS NG DEPARTMENT OF TOURISM
JAD RACAL,TULOY-TULOY ANG PAMAMAHAGI
NG BIYAYA SADISTRITO SAIS
FIESTA NG REPUBLIKA NG MALOLOS, 2ND RUNNER-UP MOST OUTSTANDING
FESTIVAL SA REHIYON 3
BAGONG SISTEMA PARA SA IKAAPAT
NA DISTRITO NG BULACAN!
RICKY BUENAVENTURA, PRAYORIDAD ANG
SERBISYONG MALAPIT SA TAO!
PROCLAMATION RALLY NG
ALYANSA PARA SA BAGONG
PILIPINAS SA SJDM, DINAGSA!