JALA-JALA, RIZAL – Dumalo sa isinagawang UNITY WALK, INTER-FAITH RALLY, at PEACE COVENANT SIGNING si Provincial Director PCOL Felipe Maraggun sa Old Municipal Covered Court, Brgy. Special District, Jala-Jala, Rizal bilang bahagi ng kampanya para sa Secure, Accurate, Free, and Fair Election (SAFE 2025) sa nalalapit na National and Local Elections (NLE) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Parliamentary Elections (BARMM PE).
Dinaluhan ng iba’t ibang sektor ang mahalagang aktibidad na ito, kabilang si PCOL Felipe B. Maraggun, Provincial Director ng Rizal PNP, na nagpahayag ng suporta sa adhikain ng isang ligtas, maayos, at mapayapang halalan sa darating na Mayo.
Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ni PCOL Maraggun ang matatag at propesyonal na pagtupad ng tungkulin ng buong pwersa ng Rizal PNP upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa panahon ng halalan. Iginiit niya ang kahalagahan ng proteksyon sa malayang pagpapasya ng mga botante at ang pangakong sisiguraduhin ng pulisya na magiging patas at mapayapa ang proseso ng pagboto sa buong lalawigan ng Rizal.
Ang nasabing inisyatiba ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng gobyerno, COMELEC, at mga awtoridad upang maiwasan ang anumang banta ng karahasan o pandaraya sa eleksyon. Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor, inaasahan na magiging matagumpay ang halalan sa 2025 nang may integridad at katapatan. (Latigo Reportorial Team)
